Martes, Oktubre 21, 2014

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG TANKA AT HAIKU Isinalin sa Filipino ni M.O. Jocson





Sa ilang anyo ng tula, ang Tanka at Haiku ang pinahahalagahan ng panitikang Hapon. Lumaganap ang Tanka noong ikawalong siglo at ang Haiku noong ika-15 siglo. Layunin ng mga tulang ito na pagsama-samahin ang mga ideya at imahe sa pamamagitan ng kakaunting salita lamang.

Ang pinakaunang Tanka ay nasa kalipunan ng mga tula na tinawag na Manyoshu o Collection of Ten Thousand Leaves, isang antolohiya na naglalaman ng iba’t ibang anyo ng tula na karaniwang binibigkas at inaawit ng nakararami.

Sa panahong lumabas ang Manyoshu, kumawala sa makapangyarihang impluwensiya ng sinaunang panitikang Tsino ang mga manunulat ng Hapon. Ang mga unang makatang Hapon ay sumusulat sa wikang Tsino sapagkat eksklusibo lamang ang wikang Hapon sa pagsasalita at wala pang sistema ng pagsulat. Sa pagitan ng ikalima hanggang ikawalo siglo, isang sistema ng pagsulat ng Hapon ang nilinang na mula sa karakter ng pagsulat sa Tsina upang ilarawan ang tunog ng karakter ng Hapon. Tinawag na Kana ang ponemikong karakter na ito na ang ibig sabihin ay “hiram na mga pangalan”.

Noong panahong nakumpleto na ang Manyoshu, nagsimulang pahalagahan ng mga makatang Hapon ang wika nila sa pamamagitan ng madamdaming pagpapahayag. Kung historikal ang pagbabatayan, ipinahahayag ng mga Hapon na ang Manyoshu ang simula ng panitikan nilang nakasulat na matatawag nilang sariling-sarili nila.

Maiikling awitin ang ibig sabihin ng Tanka na puno ng damdamin. Bawat Tanka ay nagpapahayag ng emosyon o kaisipan. Karaniwang paksa naman ang pagbabago, pag-iisa, o pag-ibig. Tatlumpu’t isa ang tiyak na bilang ng pantig na may limang taludtod ang tradisyunal na Tanka. Tatlo sa mga taludtod ay may tigpitong bilang ng pantig samantalang tiglimang pantig naman ang dalawang taludtod. Nagiging daan ang Tanka upang magpahayag ng damdamin sa isa’t isa ang nagmamahalan (lalaki at babae). Ginagamit din sa paglalaro ng aristocrats ang Tanka, kung saan lilikha ng tatlong taludtod at dudugtungan naman ng ibang tao ng dalawang taludtod upang mabuo ang isang Tanka. Gaya nga nang naipahayag na sa unang bahagi ng tekstong ito, noong ika-15 siglo, isinilang ang bagong anyo ng pagbuo ng tula ng mga Hapon. Ang bagong anyo ng tula ay tinawag na Haiku.

Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas lumaganap nang lubos ang Haiku. Binubuo ng labimpitong pantig na nahahati sa tatlong taludturan. Ang pinakamahalaga sa Haiku ay ang pagbigkas ng taludtod na may wastong antala o paghinto. Kiru ang tawag dito o sa Ingles ay cutting. Ang kiru ay kahawig ng sesura sa ating panulaan. Ang Kireji naman ang salitang paghihintuan o “cutting word”. Ito ay kadalasang matatagpuan sa dulo ng isa sa huling tatlong parirala ng bawat berso. Ang kinalalagyan ng salitang pinaghintuan ay maaaring makapagpahiwatig ng saglit na paghinto sa daloy ng kaisipan upang makapagbigay-daan na mapag-isipan ang kaugnayan ng naunang berso sa sinundang berso.

Maaari rin namang makapagbigay - daan ito sa marangal na pagwawakas. Ang mga salita na ginagamit ay maaaring sagisag ng isang kaisipan. Halimbawa ang salitang kawazu ay “palaka” na nagpapahiwatig ng tagsibol. Ang higure naman ay “unang ulan sa pagsisimula ng taglamig”. Mahalagang maunawaan ng babasa ng Haiku at Tanka ang kultura at paniniwala ng mga Hapon upang lubos na mahalaw ang mensaheng nakapaloob sa tula.

Ponemang Suprasegmental

Ponema: pinakamaliit na unit ng makabuluhang tunog.

1. Haba
-       Ito ay ang pagbigkas nang mahaba sa patinig (a,e,i,o,u) ng bawat pantig.
    Halimbawa:
         BU.kas = nangangahulugang sa susunod na araw
          Bu.Kas = hindi sarado
2. Diin
-       Tumutukoy ito sa lakas ng pagbigkas sa isang pantig ng salitang binibigkas.
     Halimbawa:
          BU:hay = kapalaran ng tao
          Bu:HAY = humihinga pa
3. Tono
-       Nagpapalinaw ng mensahe o intensyong nais ipahatig sa kausap.
     Halimbawa:
           Kahapon = pag-aalinlangan (213)
           Kahapon = pagpapatibay (231)
4. Hinto
-       Ito ay ang saglit na pagtigil sa pagsasalita upang higit na maging malinaw ang mensahe.
      Halimbawa:
             Hindi, siya ang kababata ko.
             Hindi siya, ang kababata ko.
             Hindi siya ang kababata ko.

     -         Sinasabi man na ang Ponema ang pinakamaliit na unit ng makabuluhang tunog, malaki naman ang ginagampanang tungkulin nito hindi lang  sa Panitikang Pilipino, kundi pati na rin sa atin. Dahil sa pamamagitan nito ay nalalaman natin ang mga mga mensahe na gustong iparating sa atin  ng ating kausap at kung anong emosyon ang nakapaloob dito.

Pabula

     Ang pabula ay isang kwentong pinagbibidahan ng hayop. At dahil hayop nga ang bida rito, ito ay kathang-isip lamang. Hindi lamang ito isang simpleng kwento na nagbibigay aliw sa mga mambabasa kundi isa ring kwentong nagbibigay aral at inspirasyon sa kanila. Ang mga hayop naman na dito ay sumasagisag sa iba’t ibang  katangian o pag-uugali ng tao.


   Halimbawa ng Pabula:

Ang Hatol ng Kuneho

(Isinalin sa Filipino ni Vilma C. Ambat)

Noong unang panahon, nang ang mga hayop ay nakapagsasalita pa, may isang tigreng naghahanap ng pagkain sa gubat. Sa kaniyang paglilibot, nahulog siya sa napakalalim na hukay. Paulit-ulit na sinubukan ng tigre ang makaahon, subalit siya ay nabigo. Sumigaw siya nang sumigaw upang humingi ng tulong subalit walang nakarinig sa kanya.

Kinabukasan, muling sumigaw ang tigre upang humingi ng tulong hanggang mapaos. Gutom na gutom at hapong-hapo na ang tigre. Lumupasay na lamang siya sa lupa. Naisip niyang ito na ang kaniyang kamatayan. Walang ano-ano ay nakarinig siya ng mga yabag. Nabuhayan siya ng loob at agad tumayo.

“Tulong! Tulong!” muli niyang isinigaw.

“Ah! isang tigre!” sabi ng lalaki habang nakadungaw sa hukay.
“Pakiusap! Tulungan mo akong makalabas dito,” pagmamakaawa ng tigre.

“Kung tutulungan mo ako, hindi kita makalilimutan habambuhay.”

Naawa ang lalaki sa tigre subalit naisip niyang baka kainin siya nito. “Gusto sana kitang tulungan subalit nangangamba ako sa maaaring mangyari. Patawad! Ipagpapatuloy ko na ang aking paglalakbay”, wika ng lalaki at nagpatuloy sa paglalakad.

“Sandali! Sandali! Huwag mong isipin iyan,” pakiusap ng tigre. “Huwag kang mag-alala, pangako ko hindi kita sasaktan. Nagmamakaawa ako, tulungan mo ako. Kapag ako ay nakalabas dito tatanawin kong malaking utang na loob!”

Tila labis na nakakaawa ang tinig ng tigre kaya bumalik ang lalaki upangtulungan ito. Nakahanap siya ng troso at dahan-dahan niyang ibinaba sa hukay. “Gumapang ka dito,” sabi ng lalaki.

Gumapang ang tigre sa troso hanggang makaahon sa hukay. Nakita ng tigre ang lalaking tumulong sa kanya. Naglaway ang tigre at naglakad paikot sa lalaki.

“Sandali!” Hindi ba nangako ka sa akin na hindi mo ako sasaktan? Ito ba ang paraan mo ng pagpapasalamat at pagtanaw ng utang na loob?” sumbat ng lalaki sa tigre.

“Wala na akong pakialam sa pangakong iyan dahil nagugutom ako! Hindi ako kumain nang ilang araw!” tugon ng tigre.

“Sandali! Sandali!” ang pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang puno ng Pino kung tama bang kainin mo ako.”

“Sige,” ang wika ng tigre. “Pero pagkatapos natin siyang tanungin, kakainin na kita. Gutom na gutom na ako.”

Ipinaliwanag ng tigre at ng lalaki sa puno ng Pino ang nangyari.

“Anong alam ng tao sa pagtanaw ng utang na loob?” tanong ng puno ng Pino.

“Bakit ang mga dahon at sanga namin ang kinukuha ninyo upang mapainit ang inyong mga tahanan at maluto ang inyong mga pagkain? Mga taon ang binibilang namin upang lumaki. Kapag kami’y malaki na pinuputol ninyo. Ginagamit ninyo kami sa pagpapatayo ng inyong mga bahay at pagpapagawa ng inyong mga kasangkapan. At isa pa, tao rin ang humukay ng butas na iyan. Utang na loob! Huwag ka nang magdalawang isip, Tigre. Sige pawiin mo ang iyong gutom.”

“O, anong masasabi mo doon?” tanong ng tigre habang nananakam at nginungusuan ang lalaki.

Sa mga sandaling iyon ay dumaan ang isang baka. “Hintay! Hintay!” pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang baka sa kaniyang hatol.”

Sumang-ayon ang tigre at ipinaliwanag nila sa baka ang nangyari. Hiniling ng dalawa ang opinyon ng baka.

“Sa ganang akin, walang duda sa kung ano ang dapat gawin,” wika ng baka sa tigre. “Dapat mo siyang kainin! Tingnan mo, mula nang kami ay maisilangnnaglilingkod na kami sa mga tao. Kaming mga baka ang nagbubuhat ng mabibigat nilang dalahin. Inaararo namin ang bukid upang makapagtanim sila. Subalit, ano ang ginagawa nila kapag kami ay tumanda na... pinapatay kami at ginagawang pagkain! Ginagamit nila ang aming balat sa paggawa ng kung ano-anong bagay. Kaya huwag mo na akong tanungin tungkol sa pagtanaw ng utang na loob. Kainin mo na ang taong iyan.”

“Tingnan mo, lahat sila ay sumasang-ayon sa akin. Kaya humanda ka na sa iyong kamatayan!” wika ng tigre habang bumubuwelo upang sakmalin ang lalaki.

Alam na ng lalaki na ito na nga ang kaniyang katapusan. Nang biglang dumating ang lumulukso-luksong kuneho.

“Sandali! Tigre! Sandali!” sigaw ng lalaki.

“Ano na naman!” singhal ng tigre.

“Pakiusap, bigyan mo pa ako ng huling pagkakataon.Tanungin natin ang kuneho para sa kaniyang hatol kung dapat mo ba akong kainin.”

“Ah! Walang kuwenta! Alam mong ang sagot niya. Pareho lang sa sagot ng puno ng Pino at ng baka.”

“Pakiusap, parang awa mo na!” pagsusumamo ng lalaki.

“O sige, pero huli na ito. Gutom na gutom na ako!” sagot ng tigre.

Isinalaysay ng tigre at ng lalaki ang nangyari. Matamang nakinig ang kuneho. Ipinikit ang kaniyang mga mata at pinagalaw ang kaniyang mahahabang tainga. Pagkalipas ng ilang sandali, muli niyang idinilat ang kaniyang mga mata. Malumanay at walang ligoy na nagsalita ang kuneho. “Naiintindihan ko ang inyong isinalaysay. Subalit kung ako ang magpapasya at magbibigay ng mahusay na hatol dapat tayong magtungo sa hukay. Muli ninyong isasalaysay sa akin ang nangyari. Ituro ninyo sa akin ang daan patungo doon,” wika ng kuneho.

Itinuro ng tigre at ng lalaki ang hukay sa kuneho. “Tingnan natin, sabi mo nahulog ka sa hukay at ikaw naman ay nakatayo dito sa itaas”, wika ng kuneho sa tigre at sa lalaki. “Pumunta kayo sa mga posisyon ninyo noon, upang mapag-isipan ko pang mabuti ang aking hatol.”

Tumalon agad ang tigre nang hindi nag-iisip. Ang nais lamang niya ay matapos agad ang usapan nang makain na niya ang tao. “Ah! ganito ang kalagayan ninyo noon. Ikaw, tigre ay nahulog sa hukay at hindi makaahon. Ikaw naman lalaki, narinig mo ang paghingi ng saklolo kaya tinulungan mo ang tigre. Ngayon maaari na akong magbigay ng aking hatol. Ang problemang ito ay nagsimula nang tulungan ng tao ang tigreng makalabas sa hukay”, paliwanag ng kuneho na tila may ibang kausap. “Sa ibang salita, kung ang tao ay hindi nagpakita ng kabutihan at iniwan ang tigre sa hukay, walang naging problema. Kaya naisip ko na magpatuloy ang tao sa kaniyang paglalakbay at dapat na manatili ang tigre sa hukay. Magandang umaga sa inyong dalawa!” wika ng matalinong kuneho at nagpatuloy sa kaniyang paglukso.

Modal

 -    Ang modal ay salitang malapandiwa na ginagamit sa pagpapahayag ng kagustuhan, posibilidad, kakayahan, pahintulot at obligasyon. Mga halimabawa nito ang: maari, puwede, gusto, ibig, nais, dapat, kailangan at hangad. Ang anyo ng modal ay hindi nababago dahil wala itong aspekto.

Dalawang ang Gamit Nito
1.        Bilang malapandiwa o salitang kahawig ng pandiwa sa mga pangungusap na walang totoong pandiwa.
Hal.  Gusto ko ang damit mo.
                           Hangad ko ang iyong tahumpay.
Tandaan: Walang totoong pandiwa ang mga pangungusap na ito. Ang mga modal na gusto, hangad at kailangan ang nagpapahiwatig ng pandiwa.
2.       Bilang panuring o pantulong sa pandiwa na may anyong pawatas.
Hal. Gusto niyang makaalis sa hukay.
        Ibig ng kuneho na magbigay ng makatarungang desisyon.
Mga Uri ng Modal
        1.   Nagsasaad ng kagustuhan (pagnanasa, paghahangad, pagkagusto ng higit kaysa iba)
a. “Gusto kong maakyat ang bunganga ng hukay,” wika ng tigre.
b. “Ibig mong maialis kita diyan sa malalim na hukay,” sigaw ng lalaki sa tigre.
        2. Nagsasaad ng kakayahan o posibilidad
      a. Puwede silang dumating mamaya.
      b. Maaari mo itong tapusin mamayang gabi.
3. Nagsasaad ng obligasyon (sapilitang pagtupad, hinihingin mangyari)
      a. Dapat sundin ang Saligang-Batas.
      b. Kailangan mag-aral kang mabuti.    


      Ang modal man ay hindi isang tunay na pandiwa, ito nama’y nagbibigay turing sa mga salitang ang kahulugan ay tulad ng sa pandiwa. Siguro nga ay wala itong aspekto na nagpapahayag kung kailan ito naganap, ngunit tulad ng isang pandiwa, ito ri’y nakatutulong sa atin upang ating maipahayag ang nais nating sabihin. 

Halimbawa ng Di-Pormal


Istorya ng Pinto 

ni: J

 Nagdaan ang Araw ng mga Puso. Kumita ng malaki ang mga tindahan ng bulaklak, tindahan ng kapote at tindahan ng balot sa kanto. Malaki rin halos ang kinita ng mga sinehan, restawran at mga motel maging ang mga pabrika ng tsokolate at stationary. Ang ligayang dulot ng Valentine’s Day ay binalot sa mga regalong pinagsumikapang ipunin upang mabigyan ng kahit kaunting saya ang pagbibigyan. Hindi mahalaga ang regalo. Mas mahalaga ang pag-aalala ng nagbigay sa binigyan. At ang kilig na naramdaman sa piling ng iyong pinakamamahal ay nakamit sa pamamagitan ng PDA at PMS o kahit sa simpleng HHWW ng magsing-irog. Ang mahalaga’y tumitibok ang puso ng bawat isa. And love is in the air. 

Kagaya ng mga nagdaang umaga, nagising ako kasabay ng tilaok ng mga manok sa kapitbahay. Sinalubong ako ng lamig na dulot ng hanging amihan paglabas ko ng bahay. Madilim-dilim pa at siguro ay ako pa lamang ang gising sa hanay ng mga bahay sa lugar na ito.

“Wala pa kaming isang taon na nakalipat dito sa lugar na ito. Iba ito sa lugar na kung saan ko hinasa ang aking tari at kalyo. Sa lugar na kinamulatan ko, hindi natutulog ang oras. Laging maingay. Laging magulo. Libangan ng tao ang makipag-away sa kapitbahay.

Ngunit sa kabila ng maingay at makulit na kapaligiran nito, natutunan kong mahalin ang lugar na iyon kasama ng pagyakap ko sa mga taong nakakasalamuha ko sa araw-araw. Naroon nga ang ingay at gulo ngunit naroon din ang saya’t ligaya na dulot ng pagsasamahan. Laging masigla ang buhay. Gigising kang masaya at matutulog na may ngiti sa mga labi habang sinasanay ang sarili sa pagtanggap sa mga aberya.

Narito kami ngayon. Lugar na kahit sa panaginip ay hindi naglaro kahit sandali. Tangay sa paligid ang katahimikan at sa umaga’y gigising kang kapiling ang halumigmig ng simoy ng hangin. Okay na rin kahit paano. Dito ko naranasan ang katahimikan na hindi naitaguyod ng ingay ng Maynila. Narito ako ngayon sa isang lugar na payapang namumuhay ang mga tao. Wala sa pusod ng laging nagmamadaling lungsod.

Sa kalaunan ay hinahalagahan ko na rin ang lugar na ito. Marapat lamang marahil. Hindi dahil sa wala akong pagpipilian kundi dahil siguro karapat-dapat lamang siyang mahalin. Matamis mamuhay sa isang lugar na ang musika sa katanghalian ay huni ng mga ibon sa kalapit na punongkahoy. Masarap sa pakiramdam na ang kaniig mo sa gabi ay ang ilaw ng mga alitaptap at liwanag ng buwan sa kabukiran. Ang anag-ag ng kumukititap na mga bituin sa langit ay parang bonus na lamang sa buong magdamag.

Okay na rin ang buhay. Malayo na sa mga bisyong sumira nang unti-unti sa buhay na maraming pangarap. Malayo sa daigdig na kahalubilo ang libo-libong tukso sa pagkatao. Okay na rin kahit paano. Masasanay din ako…Nasasanay na rin ako…”

Naisipan ko nang pumasok ng bahay. Hindi ko kaya ang lamig ng hangin. Tumatayo ang lahat ng balahibo ko sa katawan. Pinihit ko ang seradura ng pinto ngunit sa laki ng aking pagkamangha ay hindi siya sumang-ayon. Naka-lock sa loob! Siguro, nang lumabas ako kanina, nakapindot sa loob ng hatakin ko pasara. Laking katangahan!

Kumatok ako at pinagbuksan ng pupungas-pungas kong ina….

Pangatnig

       Ang PANGATNIG ay ang mga kataga o lipon ng mga  salitang nag-uugnay sa dalawang salita, parirala sa kapwa parirala at sugnay sa kapwa sugnay upang maipakita ang dalawa o higit pang kaisipan sa loob ng pangungusap. Ang pangatnig ay ginagamit din sa mga pangungusap na tambalan, hugnayan at langkapan.

Ito ay nahahati sa dalawang pangkat :

1. Pangatnig na nag-uugnay sa magkatimbang na yunit.
(o, ni, maging, at, ‘t, ngunit, kundi) - pinagbubuklod ang kaisipang pinag-uugnay

Halimbawa:
Nakakuha ako ng tubig at tinapay.
Kumanta ako’t sumayaw.
Pupunta ka ba o Maiiwan ka nalang?

(ngunit, subalit, datapwat, bagamat, pero) - pangatnig na panalungat; sinasalungat ng ikalawang kaisipan ang ipinahahayag ng nauuna.

Halimbawa:
Matalino si Villar subalit maraming isyung naglalabasan kaugnay sa kanya.
Mabait siya pero istrikto.

2. Pangatnig na nag-uugnay sa di-magkatimbang na yunit.
(kung, kapag, pag)

Halimbawa:
Pupunta ako kung pupunta ka.
Kapag kumain ka ng madami,tataba ka ng husto.

(dahil sa, sapagkat, palibhasa) - nagpapakilala ng sanhi o dahilan

Halimbawa:
Uulan ngayon sapagkat may bagyo.
Dahil sa pagiging tamad niya, siya ay bumagsak.

(kaya, kung gayon, sana) - pangatnig na panlinaw

Halimbawa:
Sana makapasa ako sa pagsusulit,ngayong araw.
-            

Martes, Setyembre 30, 2014

Bakit Siya?

                            Mahigit sa isang daan ang Guro sa Mambugan National Highschool,pero may namumukod tanging Guro na naging paborito ko, ikaw sino ang paborito mong Guro?

                             Ma. Luisa Guitterez ang pangalan ng aking paboritong Guro, siya ay nagtuturo sa ikapitong baitang sa  asignaturang T.L.E., madalas siyang makikita sa T.L.E. Room, Sa likod ng stage.

                            May isa akong kaklase na nagtanong sa akin ng″bakit si Ma`am Guitterez ang naging paborito mong Guro″ ,eh diba bagsak ka sa asignatura niya kaya hindi ka nakaakyat sa stage nung recognition?″ nang narinig ko ito, ako`y napaisip..... bakit nga ba? pero sabi ni Bettina sa Korean Movie na Pretty Man ″Hindi mo kailangan ng dahilan para mahalin o hangaan ang isang tao″ pero mas maganda na alam mo kung  bakit mo siya hinahangaan at bakit patuloy mo siyang hinahangaan, una na diyan dahil si Ma`am Guitterez ay mabait, pangalawa siya ay mapagbiro at palatawa, nung ako`y nasa ikapitong baitang, sa tuwing siya`y nagtuturo, puro kami  tawa lang ng tawa dahil sa kanyang mga simpleng biret pero sobrang nakakatawa, pangatlo siya`y masarap kausap at marunong sumabay sa biro, sa tuwing kami ay nagkikita, puro biruan lang kami at feeling ko kami ay magkabarkada lang pati nga ang mga kaklase ko natatawa sa biruan namin, pang-apat sa tuwing nakikita ko siya ako`y natutuwa at napapangiti, masaya din akong bumabati sa kanya ng Hi Ma`am!, panglima, kinakamusta niya ako o pinapansin sa tuwing kami ay nagkakasalubong at pang-anim, at ang pinakamahalaga sa lahat dahil mahal ko siya bilng isang Guro, kahit minsan lang kami magkita, pinapangako ko na na hinding hindi ko siya makakalimutan at lagi kong iisipin na may isang guro na naging paborito ko, hindi man siya ang hirangin na ″Well Loved teacher″, para sa akin siya ang aking pinaka iisang paboritong Guro.

                        Naranasan mo na ba ang ganito? mayroon ka bang Guro na paborito mo?
,kung meron isipin mo kung bakit siya at dun mo mas maiintindihan kung bakit siya ang naging paborito mong Guro at mas lalo kang mapapamahal sa kanya.